Madalas maging biro sa atin ang tanong na pag may
humarang sa iyo at tinanong ka ng “Pera o Puri?”; anong sasabihin mo? Ang
karaniwan ko pa ngang sagot dun ay “pwede both?”
Hindi ko akalaing maiiba ang konotasyon ng
katanungang ito para sa akin. Hindi ko napigilan ang sarili ko na magsulat
habang nasa ferry mula sa isla ng Camotes papuntang bayan ng Danao sa Cebu.
Hindi ko ito karaniwang ginagawa. Aminado akong hindi ako manunulat. Subalit
ang mga ideya sa isip ko ay patuloy ang pagdaloy na kinailangan kong ilabas ang
laptop ko at magsulat, habang palubog ang haring araw.
Nakakailang araw na rin ako sa Cebu. Isa na naman
sa fieldwork ko sa trabaho, na siyempre ay sasabayan ko na rin ng side-trip. Sa
mangilan-ngilang oras ko ng paglagi sa isla ng Camotes, napakarami kong
nakitang poster tungkol sa pagbabawal ng human trafficking. Ayon sa United Nations,
ang human trafficking ay ang “pangangalap, transportasyon, paglilipat, pagtatago
o pagtanggap ng mga tao, sa pamamagitan ng pagbabanta o kahit anong marahas na paraan, pagdukot, pandaraya,
panlilinlang, pang-aabuso ng kapangyarihan o ng isang posisyon ng kahinaan o
ang pagbibigay o pagtanggap ng kabayaran o benepisyo upang makamit ang
pahintulot ng isang tao na may control sa ibang tao, para sa layunin ng
pagsasamantala. ("The recruitment, transportation, transfer, harbouring or receipt of persons, by means of the threat or use of force or other forms of coercion, of abduction, of fraud, of deception, of the abuse of power or of a position of vulnerability or of the giving or receiving of payments or benefits to achieve the consent of a person having control over another person, for the purpose of exploitation.")
Hindi ko na mabilang kung ilang tao na ang
nakaranas ng ganito sa Pilipinas, karaniwan sa kanila ay mga kababaihan. Habang
iniisip ko ang mga babaeng nalilinlang at nagiging biktima ng human
trafficking, sumagi sa isip ko ang mga Pilipinang nagpapakasal sa mga dayuhan,
karaniwan ay matatandang dayuhan. Kabilang ba ang sitwasyon nila sa depenisyon
ng human trafficking ng UN?
Nung mga unang araw ko sa Cebu, naaalala ko ang
sinabi ng kaibigan ko. “Nalulungkot ako pag may nakikita akong mga Pilipina na
may kasamang matandang foreigner.” Nasabi ko na hindi naman kailangang
malungkot agad, malay ba naten kung talagang may pag-ibig na namamagitan sa
kanila o baka naman masaya na sila sa kinalalagyan nila. Masaya na silang
makadama ng kahit kaunting kaginhawahan na dala ng pagiging asawa ng isang
dayuhan.
Matagal ko nang alam na isang industriya ang
pakikipag-asawahan ng mga Pilipina sa mga dayuhan upang maiahon ang kanilang
pamilya sa kahirapan. Naalala ko pa nga na isa sa mga fieldwork ko sa Ormoc ay
kinailangan kong magpunta sa isang internet shop. Nakita ko roon ang hilera ng
mga kababaihang nakikipag chat sa mga dayuhan. Posturang-postura na parang
makikipag-date.
Nalulungkot ako. Pero wala ako sa lugar upang
husgahan ang mga kababaihang ito. Ni hindi ako pamilyar sa kontekstong
ginagalawan nila. Ngunit bilang isang Pilipino, isang babae, nalulungkot ako.
Subalit alam ko na hindi sapat ang malungkot. Hindi sapat ang subukang
intindihan ang pinanggagalingan ng mga kababaihang ito.
Gayunpaman, hindi ko alam kung dapat bang may
gawin tungkol sa mga bagay na ito. Hindi ba’t win-win-win situation ito para sa
babae at sa kanyang pamilya, sa dayuhan, at maging sa turismo ng bansa? Habang
dumidilim ang kalangitan nang sinusulat ko ang blog na ito, lalo akong nalito.
Ano nga ba ang dapat gawin? Meron nga bang tamang aksyon para ditto? Tama para
kanino? Kaguluhan.
Pera o puri? Pwede both?
Yun na! Pak!
No comments:
Post a Comment